Sarah F. Alharbi
Tagapagsalin, Kagawaran ng Kapaligiran, Tubig, at Agrikultura
Inanunsyo ng United Nations Environment Programme (UNEP) na Kaharian ng Saudi Arabia ang magho-host sa 2024 World Environment Day. Binigyang-pansin nito ang mga makabagong paraang isinasagawa ng Kaharian sa bansa, sa rehiyon, at sa iba pang bahagi ng mundo at ang mga nangungunang inisyatiba ng Kaharian para magpalaganap ng kaalaman at magsulong ng pagkilos para maprotektahan ang ating kapaligiran.
Nakatuon sa mga usapin ng pagpapanumbalik ng kalupaan, desertipikasyon, at katatagan laban sa tagtuyot ang event na isinasagawa taon-taon sa ika-5 ng Hunyo, at igigiit nito ang matinding pangangailangan para sa pakikipagtulungan at pakikiisa ng buong mundo sa pagpapatupad ng mga naaangkop na patakaran at aksyon upang maprotektahan at maipanumbalik ang kalikasan at masigurong patuloy na mapapangalagaan ang kalikasan sa hinaharap.
Itinatag ng United Nations General Assembly ang World Environment Day para bigyang-diin ang kahalagahan ng pakikiisang pagkilos upang protektahan ang kapaligiran. Alinsunod sa pilosopiyang ito, masigasig na nagsagawa ang Saudi Arabia ng mga aksyon sa bansa at sa rehiyon sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga inisyatibang Saudi Green at Middle East Green at pagpapatupad ng pangkat ng mga inisyatiba sa ilalim ng Pambansang Estratehiya para sa Kapaligiran nito. Pinagtibay ng pamahalaan ng Saudi Arabia ang bagong batas sa kapaligiran at ang programang Pagpapalaganap ng Kaalamang Pangkapaligiran sa Buong Bansa upang masigurong mapoprotektahan ang kapaligiran sa Kaharian ng Saudi Arabia. Gayundin, inilunsad ng Kaharian ang Pambansang Linggo ng Kapaligiran, nagtatag ito ng limang sentrong pangkapaligiran para mapangalagaan ang kapaligiran sa Saudi Arabia, at binuo nito ang Pondong Pangkapaligiran.
Para sa iba pang bansa, at sa ilalim ng pangunguna sa G20 ng Saudi Arabia, inilunsad ang Coral Research and Development Accelerator Platform at ang Global Initiative on Reducing Land Degradation and Enhancing Conservation of Terrestrial Habitats upang maprotektahan at maipanumbalik ang mga tirahan sa dagat at lupa ng mga organismo.
Ikinagalak ni Bb. Inger Andersen, ang Executive Director ng UN Environment Programme (UNEP), ang pakikiisa ng Saudi Arabia sa pagsisikap ng iba't ibang bansa para maipanumbalik ang kalupaan at magkaroon ng katatagan laban sa tagtuyot. Sinabi niya na magsisikap ang UNEP at ang Kaharian ng Saudi Arabia na paigtingin ang mga ginagawa upang maipanumbalik ang kalikasan at mapreserba ang planeta para sa mga susunod pang henerasyon.
World Environment Day na ang pinakamalaking pandaigdigang platapormang inilaan ng United Nations sa panghihikayat ng pagpapalaganap ng kaalaman at pagsusulong ng pagkilos para sa kapaligiran sa iba't ibang panig ng mundo simula noong 1973. Sa pamumuno ng UNEP, mahigit 150 bansa ang nakikibahagi sa mga pandaigdigang pagdiriwang taon-taon.
Para sa karagdagang impormasyon, pumunta sa:
https://www.mewa.gov.sa/en/Pages/default.aspx
https://www.greeninitiatives.gov.sa/
I-follow kami sa:
Sarah F. Alharbi
Tagapagsalin, Kagawaran ng Kapaligiran, Tubig, at Agrikultura