Hussain AlMulla, Media Relation Executive, +971563980067
Ngayong makukuha na nang libre ang mga bakuna laban sa Covid-19 para sa lahat ng mamamayan at residente sa buong UAE, at alinsunod sa pangako nitong suportahan ang Kampanyang ‘Choose to Vaccinate (Piliing Magpabakuna)’ ng UAE, na idinisenyo para mabakunahan ang mga miyembro ng komunidad laban sa virus na Covid-19, naglunsad ang Sharjah Government Media Bureau ng pangganyak na inisyatibang ginawa para hikayating magpabakuna ang mga indibidwal. Layunin ng inisyatibang pinamagatang #Hand-in-hand-we heal na magpalaganap ng mga pabatid na mensahe tungkol sa kahalagahan ng pagpapabakuna, habang pinapanatili ang mga hakbang sa pag-iwas at pagkontrol para bumuo ng nagkakaisang koalisyon para talunin ang Covid-19.
Nagbibigay ng pagkakataon ang inisyatiba na maibahagi ng mga tao ang kanilang karanasan sa bakuna laban sa Covid-19 sa mga social media account nila, sa pamamagitan ng pagdaragdag ng espesyal na berdeng template sa kanilang mga larawan sa profile. Matatagpuan ang link sa template sa mga nakatalagang social media page ng Sharjah Government Media Bureau, at nilalayon nitong matukoy ang mga indibidwal na nagpabakuna at mahikayat na magpabakuna ang iba pa.
Magpa-publish din ang Bureau ng samu't saring pabatid na mensahe sa iba't ibang wika, batay sa napatunayang ebidensya, kabilang ang mga opisyal na indicator at pag-aaral tungkol sa mga kalalabasan ng kampanya sa pagpapabakuna, para matugunan ang pag-aalangan ng mga tao na magpabakuna laban sa Covid-19.
Sinasagot ng inisyatiba ang mga tanong tungkol sa mga bakuna laban sa Covid-19 para matulungang labanan ang maling impormasyon sa pampublikong kalusugan at buwagin ang mga karaniwang gawa-gawang impormasyon at maling kuro-kuro tungkol sa Covid-19. Kasama rito ang pagbabahagi ng karanasan at feedback ng mga indibidwal na nagpabakuna. Binibigyang-diin din nito ang kahalagahan ng pagpapabakuna bilang pinakamahusay na proteksyon laban sa virus na Covid-19, at nananawagan ito sa lahat ng miyembro ng komunidad na patuloy na sumunod sa mga alituntunin sa pag-iwas ng pamahalaan, gaya ng pagsusuot ng mga mask, paglilinis at pagdidisimpekta, at pagsasagawa ng social distancing, para matiyak ang kaligtasan at proteksyon ng publiko laban sa virus.
Ipinahiwatig ni Tariq Saeed Allay, Director ng Sharjah Government Media Bureau (SGMB) na ipinapakita ng inisyatiba ang pagtuon ng Bureau sa pagsuporta sa mga pambansang pagsisikap sa pag-iwas para malabanan ang pandemya dulot ng Covid-19, na alinsunod sa pambansang tungkulin nito.
Binigyang-diin ni Allay ang kahalagahan ng mga pinagsama-samang pagsisikap sa pagitan ng mga miyembro ng komunidad at ng mga institusyong sumusuporta sa Kampanyang ‘Choose to Vaccinate (Piliing Magpabakuna),’ bilang paraan para malampasan ang nakamamatay na epidemya at matiyak ang ganap na pagbabalik sa normal na buhay. Pinuri din niya ang mga pagsisikap ng UAE na labanan ang virus na Covid-19 at ang pagbibigay nito ng mabilis at libreng pagbabakuna sa lahat ng mamamayan at residente ng UAE.
Sabi niya: “Umaakma ang inisyatibang ito sa mga pagsisikap ng UAE na labanan ang mga epekto at resulta ng pandemya dulot ng coronavirus sa pamamagitan ng pagbibigay ng napatunayan at maaasahang bakuna sa mga miyembro ng komunidad para matiyak ang immunity nila laban sa bagong pagkahawa sa coronavirus.”
Inimbitahan ni Allay ang mga miyembro ng komunidad na huwag mag-alinlangang protektahan ang kanilang mga sarili at komunidad sa pamamagitan ng pagpapabakuna. Binanggit niya ring magbibigay-daan ang inisyatiba para maibahagi ng mga tao ang kanilang karanasan sa pagpapabakuna, at para maging kaagapay sila sa pamamahagi ng kaalaman at paghihikayat sa mga indibidwal na nag-aalinlangang magpabakuna.
Bilang bansang nangunguna na sa pagsasagawa ng mga pang-iwas na hakbang at alintuntunin sa pag-iingat para mapanatili ang kalusugan ng mga komunidad nito, naging aktibo rin ang UAE sa pagbibigay ng oportunidad sa mga mamamayan at residente ng UAE na makatanggap ng libreng bakuna at maprotektahan ang kanilang mga sarili laban sa virus. Makukuha ang mga bakuna sa lahat ng center ng pangangalagang pangkalusugan sa buong UAE, para mapatatag ang immunity ng mga tao laban sa virus, na magpapabilis sa pagpapabalik ng normal na buhay at higit pang tagumpay.
Nagsimulang makipagtulungan ang Sharjah Government Media Bureau (SGMB) sa iba't ibang entity at institusyon sa simula pa lang ng pandemya, bilang miyembro ng National Emergency, Crisis and Disaster Management Authority (Pambansang Awtoridad sa Emergency, Krisis, at Pamamahala sa Sakuna), para mapigilan ang pagkalat ng epidemya.